Pipiliin Ulit Kita

by Audrey Paragua  | via He Said She Said |

Kung tatanungin ako kung gugustuhin ko pa bang lakaran ang mga dati kong dinaanan,
Lakas loob akong magsasabi ng ‘Oo’.
Kahit alam ko na malaki ang posibilidad na ako’y masugatan at masaktan,
Oo, pipiliin kong daanan ulit ang dati nating daan.

Hindi dahil sa may nararamdaman pa ako sayo o nais kong ibalik ang dating tayo.
Alam ko na alam mo na kapatid na lang ang turing ko sa ‘yo,
at ganun ka rin sa ‘kin.
Masaya ako na binago mo ang mga hindi magagandang bagay
na napapansin ko noon; hindi man para sa akin
pero para sa sarili mo at sa taong mahal mo.

Kung tatanungin ako kung pipiliin ko pa rin ba
ang mga desisyon ko noon; siguro’y may oo o hindi ang isasagot ko.
May mga tama at mali.
Pero ang sigurado ako, kapag nakita ulit kitang
naglalakad sa mga pintuan ng canteen, ngingiti ulit ako
at ipagtatanong ang pangalan mo at kung anong klase kang tao.

Pipiliin ko ulit na makipag-kuwentuhan sa ‘yo
kesa ang magbasa ng paborito kong libro.
Pipiliin kong kilalanin ka ulit kahit alam kong
sa dulo ay masasaktan lang ako;
Kahit alam kong sa dulo siya at siya parin ang pipiliin mo.
Dahil may mabago man sa desisyon ko
ay may mga bagay na sadyang nakatadhanang mangyari
at alam ko ring isa dun ang paglisan mo na magiiwan sa akin
ng mga aral na dadalhin ko hanggang dulo.

audrey_paraguaPipiliin kong bitawan ulit ang tatlong salitang ipinaramdam mo;
hindi ko pipigilan ang tibok ng puso ko sa tuwing ikaw
at daraan o tatawagin ang pangalan ko
o kahit ang palayaw na ibinigay mo.
Pipiliin ulit kita at pipiliin kita ng paulit ulit
kahit naging o magiging masakit sakin sinta.
Dahil kahit papaano naging maganda ang takbo ng ating istorya.
Hindi man purong masaya pero oo, maganda.

Kaya kung tatanungin ulit ako kung papatawarin ba ulit kita
sa mga nagawa o sa paglisan mo akin ng biglaan,
Oo. Magpapatawad ulit ako.
Pipiliin ko ulit na maging kaibigan mo katulad ng nagsimula tayo
bago bitawan ang tatlong salitang naiwan na lamang
sa mga liham at alaala natin pareho.

Kaya sana kung ikaw rin ang tatanugin ay ‘wag mong ipagkait
ang pagkakaibigan at ibigang nabuo sa loob ng sampung buwan.
Dahil kung tatanungin mo ulit ako, kahit paulit ulit
ay pipiliin at pipiliin ko ang parteng may naging ikaw at ako.

At sa pamamagitan ng akdang ito ay maipapahiwatig
na buong puso na talaga akong nagpapatawad
pagkatapos ng mahigit dalawang taon ang nakalipas.
Walang kahit konting hinanakit at pait.
Pipiliin ko ulit ang naging daan natin,
kahit puno ito ng tinik, kahit napakadilim at napakasikip.

Walang halong biro o kahit luha.
Pipiliin ulit kita.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

 

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments