Antayin Mo Sana Ako

Antayin Mo Sana Ako

ni Ellie |

Naglalakad tayo sa gitna ng daan. Maliwanag yung ilaw sa mga poste. Kakatapos pa lang nga umulan. Tinuturo ko pa sayo lahat ng ilaw na makita ko, ganon lang kasi kababaw yung kaligayahan ko. Sinabihan mo ko na sabayan kitang maglakad. Pumantay ako sa lakad mo para sabay na hahakbang yung mga paa natin. Hindi ko naman masyadong binigyan ng atensyon yung sinabi mo kasi madalas mong sabihin yun kapag bumabagal o bumibilis ako maglakad.

Kaso sa paglalakad nating dalawa, napansin ko na unti-unti na pala akong naiiwan. Wala kasi akong ibang ginawa kung hindi tumingin sa taas, tignan yung magagandang ilaw at alalahanin lahat ng masasayang araw nating dalawa. Pag tingin ko, nakita ko na ang layo mo na. Hindi ko alam kung alam mong naiwan mo na ako sa paglalakad nating dalawa o kanina mo pa namalayan na hindi na ako nakakasabay sa ‘yo pero hindi mo na lang ako binigyang atensyon kasi pagod ka na ring sabihan ako.

Nakita kita, ang layo layo mo na. Hanggang sa namatay lahat ng ilaw sa daan. Lahat lahat. Yung ilaw sa poste, yung ilaw ng mga iilang sasakyan na dumadaan, yung ilaw ng mga tindahan — yung ilaw ng mga bahay sa nilalakaran. Hindi ko nga alam kung namatay nga ba talaga lahat ng ilaw at wala na akong makita. O pansamatalang huminto ang oras.

Ang tanging malinaw lang sa akin ay Ikaw. Ikaw na nasa malayo na. Kahit madilim, naaaninag ko pa kung nasaan ka. Hindi ka naman lumilingon. Nalungkot ako kasi hindi ko alam kung bakit hindi mo ako nilingon man lang. Nang makita ko na yung sitwasyon natin, naliwanagan ako bigla.

“Oo nga, naiwan niya na pala ako. Hindi ko namalayan kasi masyado akong nakasentro sa pag-alala ng mga masasayang sandali namin. Naiwan niya na pala ako at ang layo layo niya na sa ‘kin.”

Hindi ko alam kung tama ba yung naiisip ko, pero ang pipiliin kong gawin eh ang patuloy na maglakad. Maglalakad ako kahit na naiwan niya na ako. Naaaninag ko pa naman kasi siya sa dulo. Hindi ko lang nga alam kung aling daan ang dapat na tahakin ko. Madilim. Nawala yung ganda at liwanag ng gabi. Pero maglalakad lang ako. Patuloy lang akong maglalakad. Hindi ko alam kung alin ang tamang daan para maabutan kita pero kakayanin kong daanan lahat. Lalakaran ko ang madilim na kalsadang ito sa pag-asang maaabutan pa kita sa dulo. Handa akong isa-isahin ang daan para lang malaman kung alin ang tamang daan papunta sa ‘yo.

Sa palagay ko kasi, ako ang dapat na pumunta sa ‘yo. Pwede mo kong balikan. Pero naisip ko na kasalanan ko naman yata kung bakit ako naiwan. Masyado kasi akong abala sa pag-alala sa nakaraan at hindi ko napansin na nandito nga pala tayo sa kasalukuyan.

Kaya Mahal, patawad kung hindi ako nakasabay sa ‘yo. Nasimulan ko ng maglakad uli at handa akong dumaan sa madilim na kalsada, sa pag-asang maaabutan kita sa dulo nito at magliliwanag uli ang mundo ko. Antayin mo ako Mahal. At Pangako, sabay na tayong maglalakad ulit at pupunta sa lahat ng gusto nating puntahan at kailanman, wala ng maiiwan.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments