ni Ericka Mae Francisco
Ito’y nagsimula
Sa kung paano ako napangiti ng iyong mga tula
At umasa na sana’y seryoso ka
Ngunit naalala ko, araw nga pala ng mga tanga
Nagsimula ang lahat
Sa palitan ng mga linya
Na kung babasahin
Ay mapapangiti kang talaga
Hanggang sa napunta
Sa kung paano tayo magsisimula
Tinanong mo kung ang pagkakaroon ng “tayo” ay may pag-asa ba
Ngunit hindi ko alam kung ikaw nga ba’y nagbibiro parin o seryoso na
Hindi alam ang mararamdaman
Puso’y sumaya at biglang nabuhayan
Umaasa ako na wala na itong halong biro
Dahil para sa akin, ang lahat na ay seryoso
Tapos na ang laro, oras na para magseryoso
Iyan ang akala ko,
Pinaniwalaan kita at inakalang ito’y totoo
Pero bakit ka biglang nagloko?
Bakit ngayon pa?
Ngayon pa na ako’y nahulog na
Ngayon pa na ako’y naniwala na
Ngayon pa na ako’y seryoso na
Nagseryoso ako, dahil akala ko’y tapos na ang laro
Dahil akala ko’y seryoso ka na’t di na nagbibiro
Dahil akala ko’y ikaw na at ako
Dahil akala ko’y meron nang tayo
Pasensya na, sa mga tula mo tila ako’y nahulog na
Sa mga biro mo, ako’y kinikilig na
Sa mga sinabi mo, ako’y naniwala na
Oo, aaminin ko, gusto na kita
Akala ko’y ikaw ay seryoso rin
Ngunit puso ko’y nabigo nung sinabi mong siya parin
Pasensya na, ang lahat ay aking sineryoso
At nakalimutan kong, para sa iyo, ang lahat ay isa lamang biro