Hindi Ikaw, Hindi Ako, Hindi Tayo

Hindi Tayo

ni Kristine Indasen |

Ang sarap sigurong pakinggan ang kantang tadhana
habang kasama kita dito sa ilalim ng buwan at ng mga tala;
Ang sarap siguro sa pakiramdam na magkahawak ang kamay natin
at walang bakas ng anumang takot o pangamba
na maari itong bumitaw pag hindi na natin kaya;
Ang saya siguro sa pakiramdam na sabay nating pagmamasdan
ang kawalan habang binabahagi ang ating plano sa isa’t isa ng magkasama;
Ang saya siguro sa pakiramdam na pakinggan
ang kantang “Perfect” ni Ed Sheeran habang naglalakad tayong dalawa;
Sabay na tinatahak ang daan patungo
sa magkakasal sa atin sa oras na itinakda
At kasama natin ang mga taong saksi sa ating pagmamahalan,
na nakasama natin mula sa simula.

Siguro nga ang sayang isipin na
magkasama tayong haharap sa bawat bagyo na daraan;
Na magkasama nating masisilayan
ang pagsikat ng araw sa bawat umagang paparating;
Na sabay nating ipipikit ang ating mga mata pagsapit ng dilim;
At mahimbing tayong matutulog ng sabay
habang ikaw at ako ay magkapiling.

Pero bakit parang mapaglaro ang tadhana?
Hindi umayon sa gusto nating dalawa
Kaya’t kahit na anong pilit natin na ayusin ang tayo,
ay mukhang napakalabo na
Hindi dahil sa baka lang naman hindi sumasang ayon ang panahon
Kundi, dahil sa hindi ako ang inihanda sa ‘yo
para sa bawat umagang darating
At hindi ikaw ang yayakapin ko sa bawat gabing malalamig
Pinagtagpo nga tayo ng mapaglarong tadhana na ito
pero hindi tayo ang tinakda para magsama hanggang dulo.

Dahil hindi ako ang inihanda para sa ‘yo
At hindi din ikaw ang tinakda para sa ‘kin ng mundo
Hindi ikaw, hindi ako, hindi tayo.

Hindi ikaw ang makakasama kong pagmamasdan ang kalawakan
Hindi ikaw ang makakasama kong makikinig
ng kantang tadhana ng “Up-Dharma-Down”
Hindi sa ‘yo buong pusong ipagkakatiwalang ang puso ko
Hindi sa ‘yo kakapit ang kamay na ito.

Dahil hindi ako ang babaeng liligawan mo at hihintaying mapa-OO
Hindi ako ang kasama mong magdiriwang ng anibersayo
Hindi ako yung babaeng babatiin mo ng magandang umaga
o yayain mong lumabas para makasama;
Hindi ako, dahil, hindi pa man nasisimulan ang ating k’wento
Natapos na ang minsan ay naging tayo.

Hindi ako ang magsisilbing bahaghari mo pagkatapos ng ulan
Hindi ako ang ku-kuwentuhan mo ng mga nangyari sa ‘yo
habang ako ay nasa maling tao pa lamang
Hindi ako ang magiging sanhi ng pagngiti mo
Hindi ako ang magiging rason ng pagtawa mo
Hindi ikaw ang kakalma ng bagyo dito sa loob ko
Hindi ikaw ang aasahan kong magsasabi ng
“Okay lang yan MAHAL huwag kang mag-alala nandito lang naman ako”
sa tuwing mararamdaman kong masyado ng mabigat ang dinadala nito
Hindi ikaw ang magtatanggal ng lahat ng takot ko sa mundo

Hindi ako ang nakatakdang magtitimpla ng kape mo
sa bawat umaga bago ka umalis para pumasok sa trabaho
Hindi ako ang magsisilbing tamis
sa mapait na kapeng inihanda ko para sa ‘yo
Hindi ikaw ang magsisilbing sandalan ko
sa mga problemang kakaharapin ko
Hindi ikaw ang magiging lakas ko
sa mga panahong magiging mahina ako
Hindi ako ang magiging ina ng mga magiging anak mo
At hindi ikaw ang tatawaging ama ng mga anak ko
Hindi ikaw, hindi ako, hindi tayo.

Hindi tayo ang magsasama sa tahanang
minsan ay sabay nating naiplano
Hindi tayo magkikita sa kalsada
na inakala nating sabay na aabutin ang dulo.

Hindi ikaw, hindi ako, hindi tayo.
Dahil mahal matagal ng tapos ang ating k’wento;
At batid kong magiging isa na lang itong alaala
ng kahapon ko at kahapon mo;
Pero ganon pa man masaya pa rin ako
Dahil kahit na sa maikling panahon
ay naranasan ko ang “TAYO” at mahalin ng isang “TULAD MO.”

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articleCan I Be The One?
Next articleYakap