Huling Liham

by Ry | shared on He Said, She Said |

Kakatha ako ng huling tulang iaalay ko sa ‘yo
Hindi dahil mahal pa rin kita,
Kundi dahil sa mahal ko ang sarili ko.
Simula umpisa hanggang sa pagtatapos,
Inaamin kong minahal kita ng lubos
Higit sa sarili ko, higit kahit kanino
Para kang punlang nakabaon sa tigang na lupa,
Uhaw sa atensyon , uhaw sa pagmamahal.
Sumubok akong punan,
Lahat ng kulang sa ‘yo,
Di lingid sa kaalaman kong nais mo lang makipaglaro ng apoy,
Hindi ba’t yun ay delikado?
Bakit ginawa mo?
Bakit ako?

Kakatha ako ng huling tulang iaalay ko sa ‘yo
Hindi dahil sa mahal parin kita,
Kundi dahil sa mahal ko ang sarili ko.
Lubos akong nasaktan,
Tulad ng paggamit ng mapurol na patalim,
Habang paulit-ulit na ibinabaon pailalim
Daig mo pa ang isang kriminal,
Na gumawa ng kasalanang karumal-dumal
Walang dumanak kahit isang patak ng dugo
Ngunit maraming luhang nasayang sa pagtulo.

Naiinis, nagalit ako
Ngunit saan ako dadalhin ng galit? Kung paulit-ulit babalikan ang pait
Ni minsan di ko hinangad ang gumanti sa ‘yo
Kahit na madalas …
Akong dalawin ng mga ala-ala mo
Hanggang sa pagtulog ito’y bangungot ko
Araw-araw tinitiis ko ang pasakit
Habang paulit-ulit bumabalik ang sakit

Kakatha ako ng huling tulang iaalay ko sa ‘yo
Hindi dahil sa mahal pa rin kita
Kundi dahil sa mahal ko ang sarili ko
Hanggang sa isang araw natauhan rin ako.
Marahil tama ka nga
Hindi sapat na mahal ka lang
Para manatili sa ‘yo,
Hindi sapat na masaya ka lang
Dahil masaya rin yung taong mahal mo,
Maraming kulang
Maraming pagkukulang
Humihingi ako ng kapatawaran
Patawad dahil sa minahal kita
Patawad dahil inalagaan at inalayan kita
Patawad dahil sa nasakal ka sa halo-halong emosyon na hatid ko
Patawad …

Pinapatawad na rin kita sa lahat
Habang pinapatawad ko rin ang sarili ko
Magsisilbi kang aral at leksyon sa buhay ko
Kaya ngayon nais ko ng wakasan
Kung saan ko inumpisahan
Gamit ang tinta ng panulat na ito
Pinapalaya ko na yung puso’t isip ko
Mula sa ‘yo, sa mga ala-ala mo
Kakatha ako ng huling liham na iaalay ko sa ‘yo
Hindi dahil sa minahal kita noon
Kundi mas mahal ko na yung sarili ko ngayon.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.
Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments