Kahit Wala Ako

Kahit Wala Ako

ni Glitz Iverlane Dela Cruz |

P’wede bang wag na lang tayong makaranas ng pagbabago?
P’wede bang manatili nalang tayo kung ano at paano tayo nagsimula?
P’wede bang ako na lang at hindi siya?
P’wede bang tayo na lang at hindi kayo?

Nasasaktan ako sa bawat ngiti mo na kasabay ng pagtibok ng puso ko
Nasasaktan ako, sapagkat magkasalungat ang ipinaparating sa’kin nito
Gusto kong manatili dahil ‘yon ang ipinaparating ng puso ko
Ngunit sa kabilang banda, ninanais ko na lumisan na
dahil kita ko ang mga pagbabago sa mga ngiting nagmumula sa labi mo

Gusto kong tumitig ka sa akin ngayon
Gusto kong makitang muli ang mga titig na nagsasabing kailangan mo pa ako
Ang mga titig na sinisiguradong sa iyo lang ang atensyon ko
Ngunit ngayon na tumititig ka na, parang gusto ko nalang umiwas na, dahil alam ko, nararamdaman ko, mayroon ng iba na nagmamay-ari ng atensyon mo

Napakadaling sabihin na lahat nagbabago
Ngunit hindi ganoon kadali kapag mismong ikaw na ang nakakaramdam nito
Harap-harapang sumasampal sa’kin
ang mga pagbabago mong ipinaparating ng lamig ng gabi
Kaya heto ako, sumusulat
Hindi ko alam kung parte ba ito ng pamamaalam o isang uri ng pagbabago
Basta kung mabasa mo man, bahala ka nang umintindi dito

O s’ya, sige na, maging masaya ka sana, kasama siya, sila, kahit sino.
Kahit wala ako.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments