Magbalik

by Frensy Ritz Barretto | shared on He Said, She Said |

Naitanong mo na ba?
Kung saan at paano lahat nag simula?
Kung kailan at bakit nag tapos sa wala?
Kung hindi pa, halika samahan mo ‘ko at
mag balik tanaw tayo sa umpisa.

UNA, hindi ka naman talaga kabilang
sa pinagmamasdan nang mala bituwin kong mga mata.
Hindi ka mawaring mapapansin sa silid ng basta-basta.
Ikaw kasi yung tipo na medyo mahangin at iba kung umasta.
Sinabi ko nga sa sarili ko noon
malayong magkagusto ako sa tulad mong datingan ay kakaiba.

Maniwala ka man o sa hindi,
Ang mga sumunod na eksena ‘di ko na mapagtagpi-tagpi pa.
Kung bakit ang dating ‘ayaw kita’ napalitan
ng kakaibang tibok na nakapaloob sa salitang ‘mahal na pala kita’.
Bago maamin sa sarili ang mga pangyayari,
pinaghalong kaba, kilig, takot, ngiti at nangingilid na luha ay hindi ko maikubli.

Siguro ay itatanong mo din kung bakit ganun ang nangyari.
Ang bilis, dinaig yung kidlat na dumaan sa ere at nag iwan ng bakas sa kalye.
Ang bilis, parang sweldo kahapon buo pa ngayon ubos na.
Sa totoo lang ang bilis, di ko namalayang na sa harapan ko na pala.

Walang pasintabi si kupido kung pumana, asintado.
Hindi man lang ako nabigyan ng warning at permiso kamo.
Pati mga paru-paru sa sikmura ko nag simulang magkagulo.
Pati pag tulog ko hindi na makumpleto.

IKALAWA, pinilit kong isan’ tabi muna.
Pinilit kong maging masaya kasama ka,
Pinilit kong kumilos ng walang malisya,
Pinilit kong nararamdaman ay ibaling sa iba.

Pinilit kong burahin baka kasi pwede pa.
Pinilit kong ipikit ang mga mata sa pagbabakasaling panaginip lang pala.
Pero mas pinili kong manatili kahit masakit na.

Masakit, kasi isang hamak na kaibigan mo lang ako.
Masakit, na hindi ako yung tipo mo.
Masakit, kasi imposibleng gusto mo rin ako.
At wala ng sasakit pa na baka nga wala lang ako sayo.

IKATLO, pasensya kana sasabog na ako.
Sa wari ko ay sapat na yung ilang buwan na nag tago ako.
Sapat na, pati sarili ko ay niloko ko.
Sapat na, para malaman mo ang totoo.

Sasabog na ako.
Pag pasensyahan mo na ako sa mga desisyon na gagawin ko.
Pasensya kana kung medyo nakakabigla.
Sanay ka bang may babae sa harap mong nagsasalita habang lumuluha?

Lumalalim na ang gabi.
Hindi na ako mapakali, nais ko ring marinig ang mga salita sayong labi.
Ilang oras na tayong nagpapakiramdaman.
Pero bago tayo bumalik sa realidad
sabihin mong pareho tayo ng nararamdaman.

IKAAPAT, nag bago na nga ang lahat.
Nawala na ang dating sigla
at parang pagkakaibigan natin ay nagka lamat.
Nag tapos na nga ba sa dalawang salita?
Sa Paalam at Salamat.

IKALIMA, Naitanong mo na ba?
Kung saan at paano lahat nag simula?
Kung kailan at bakit nag tapos sa wala?
Kung hindi pa, halika samahan mo ‘ko at
mag balik tanaw tayo sa umpisa.

Mag balik tanaw tayo sa umpisa.
Mahal, mag balik tayo sa umpisa.
Mahal, bumalik tayo sa umpisa.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments