Maghihintay ako, kahit alam kong hindi ka darating

Maghihintay ako

ni Jessa Mae Tambaoan

Ito na ang una at huling tula na isusulat ko para sa ‘yo.

“Maghihintay ako, kung saan alam kong hindi ka darating.”

Sa umpisa pa lang na nasilayan ko ang iyong mga mata. Ay para bang kisapmata na bigla na lang akong nakaramdam ng kakaiba… Hindi ko alam! Gusto ko mang ibaling ang sarili ko sa iba, tinatanaw ka na lang pabalik bigla ng aking mga mata. At sa kalaunan… Bigla na lang napadpad ang isip ko sa isang madilim na parte ng buhay ko at oo! Sa pagkakataong iyon, binigyan mo ng kulay ang madilim kong mundo…

“Alam kong sa umpisa pa lang masasaktan na ako. Kung bakit sa dinami-dami ng pwedeng mahalin ikaw pa! Ikaw pa… Na kahit kailan alam kong hindi magiging kabiyak ng puso ko.”

Pero kahit ganoon…

Mag hihintay ako,  kahit alam kong hindi magiging tayo.
Mag hihintay ako, kahit alam kong kahit kailan hindi magiging ako sa puso mo.
Mag hihintay ako, kahit hindi na ako kilala ng mga mata mo.
Mag hihintay ako, kahit hindi mo na makita ang halaga ko.
At mag hihintay ako, kahit makarating man ako sa dulo kung saan mag sisimula pa lang kayo.

Mag hihintay pa rin ako, kahit maubos man ang tinta ng panulat ko, at hindi ko na muling maipinta ang larawan mo.
Mag hihintay pa rin ako,  kahit hindi man sumang-ayon ang mundo sa nararamdaman ko para sa ‘yo.
Mag hihintay pa rin ako, kahit tadhana na mismo ang nagsabi na hindi tayo talo.

At mag hihintay pa rin ako,  kahit siya lang ang gusto mo at hindi ako… Kahit siya lang ang mundo mo at hindi ako.. At kahit siya lang ang gusto mong humawak sa mga kamay mo at kahit kailan ay hindi mo nanaising maging ako…

OO!  ALAM KO! Wala akong mapapala sa pag hihintay ko… Pero puso ko na mismo ang gustong sumugal, mag desisyon at lumaban na mahalin ang isang katulad mo… Kaya oo…”

Mag hihintay pa rin ako,  kahit malinaw sa akin na malabong maging tayo.

Dahil… hindi masamang mag “baka sakali” na sana isang araw… “Marinig ko ang matamis mong “oo” habang nakikinig sa musikang sabay nating binuo”… Na sana isang araw mapakasalan kita sa simbahan kung saan una tayong nagkabunggo… Na sana ako ang kasama mong bubuo ng mga pangarap mo,  kasama ang mga magiging apo ng pamilya mo… Na sana hanggang sa pag tanda kung saan malabo na iyong mga mata araw-araw ko pa rin na ipapaalala sa ‘yo kung gaano ka kaganda… Na sana kung dumating man sa panahon na hindi na ako maka alala. Araw-araw mo pa rin kakantahin ang ating paboritong musika…

Kaya mahal, masaya ako kahit sa panaginip lang kita makakasama… Kahit lahat ng bawat salita ay kwento lamang na binigyan ng buhay…

Mag hihintay ako…

Alam ko man na hindi ka darating.

Comments Go Here ▼

Comments