Noon, Ngayon

by Jennilyn Padua | shared on He Said, She Said |

Ano ba tong ginagawa ko
Hinahalungkat ko nanaman yung mga sulat mo sa akin dati
Yung mga matatamis na salitang naghatid ng ngiti sa aking labi
Nagbabakasakali kasi akong maintindihan ko muli
Kung paano naging tayo, hindi ko na maala-ala kasi

Hindi ko na maalala yung dating tayo
Yung hindi ko pa malaman ang irereply ko sa ‘yo
Yung tinitimpla ko pa ang bawat sandali
Kasi ayaw ko, ayaw kong magkamali

Naalala mo yung una tayong lumabas dalawa?
Nahihiya pareho tayo kaya wala tayo halos nagawa
Kundi nakawan ng tingin ang bawat isa, tapos sabay tayong matatawa

Hanggang sa tumagal
Ang mga araw na espesyal
Naging linggo, buwan at taon
Sobrang saya ng bawat segundo noon

Narito parin yung marka diyan sa may sala
Yung sa sobrang kaba mo na makausap sina papa at mama
Natapilok ka sa sarili mong mga paa
Nabitawan mo yung dala mong garapon ng atsara

Pero, bakit kaya?
Yung espesyal na mga araw naging ordinaryo na
Yung mga tawag at text dumalang na
Yung dating tayo, nasan na nga ba?

Habang tumatagal siguro nasanay ka na
Siguro nasanay narin ako kaya hinayaan ko na
Yung dating mainit na mga yakap, yung mga mapagmahal mong hawak
Kahit simpleng bati, parang ang hirap nang bitawan

Bakit nga ba nagkaganito?
Sa akin ba may kulang o sayo?
Gusto kong maniwala na ayos naman tayo
Pero natatakot akong tanungin kung ayos nga ba tayo

Mali, hindi ko na pala kelangan pang tanungin
Alam ko na, matagal na na may mali sa atin
Naalala mo nung nakalimutan mo yung anniversary natin?
Hinintay kita sa labas ng office mo sosorpresahin

Haha, imbes na ikaw ang magulat
Ako ang muntik atakihin, namutla ang balat
Yung kamay mo kasing hindi ko na halos maalala yung init
Hawak-hawak yung kamay nya, at sobra kayong magkadikit

Doon ko napagtanto na mali palang hinayaan ko
Na mamatay yung apoy na mayroon tayo
Dapat pala pareho tayong naglagay ng panggatong
Sa alab ng puso nating ngayo’y sa lamig ay nangangatog

Kaya ko naman sigurong tanggapin na wala na
Sabihin mo sa akin na ayaw mo na
Kasi ako kahit ayaw ko na
Hindi ko masabi ang isang letra kapag kaharap na kita

Alam mo, pwede mo naman tigilan yang mga peke mong ngiti
Pwede mo namang tapusin ang relasyon nating wala nang kiliti
Pwede mo naman akong patayin ng isang beses sa pagtapos mo nitong relasyon

Relasyon na wala nang patutunguhan
Relasyong nilamon na ng kalokohan
Relasyong dating mahalaga satin pareho
Relasyong paulit-ulit na pumapatay sa aking pagkatao

Tapusin mo na, kasi hindi ko kaya
Na magpanggap na masaya pa
Habang alam ko na tuwing wala ka sa tabi ko
Nandun ka sa piling ng iba, kuntento

Paki-usap itigil mo na, huwag mo na akong pahirapan pa
Tuwing nakikita kong walang buhay ang iyong mga mata pag kasama kita
Na habang hinihintay mong matapos ang bawat oras kasama ako
Ang puso at isip mo ay nandon na sa kabilang dako

Tuldukan mo na ang matagal naman nang tapos na
Huwag kang mag-alala kakayanin ko na wala ka
Susunugin ko na rin ang mga sulat upang wala nang ebidensya
Yung kahapon nating walang kinabukasan, walang pag-asa

Kinaya ko naman noong mag-isa
Kakayanin ko pa rin ngayong mawawala ka na
Oo
Siguro
Sana nga
Nagawa kong maging masaya noon mag-isa
Magagawa ko pa rin ngayon, huwag kang mag-alala


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments