P’wede nang Tayo

by Gayhezeil Julba Manzano | shared on He Said, She Said |

“Nahuhulog na ako sa ‘yo” ang sabi mo
Mga katagang nagpatigil ng mundo ko
Mga salitang musika sa aking puso
Mga katagang gustong marinig mula sayo
Mga sinabi mo na di alam ang isasagot ko

Mahalaga ka at pareho tayo ng nadarama
Mahalaga ka at masaya ako pag kausap ka
Pero alam mo
Pero alam ko
Pero alam nating dalawa
Pero alam nating pareho na mali ito
Na mali ang ikaw at ako
Na mali ang “tayo”

Nasa pagitan tayo ng oo at hindi
Ng tama at mali
Ng laban pa at tama na
Ng sige pa at suko na

Mahalaga ka pero hindi tama
Hindi tamang hanapin kita
Hindi tamang hanapin kita sa k’wentong hindi tayo ang bida
Hindi tamang hanapin kita sa k’wento naming dalawa
Sa k’wentong walang “ako at ikaw”
Dahil meron ng “ako at s’ya”

Kaya sa ngayon, uutusan muna ang hangin na hagkan ka
Sa ngayon, hahayaan ko muna ang distansya sa pagitan nating dalawa
Sa ngayon, pababayaan muna kitang sumaya sa iba at ako sa kanya
Sa ngayon, hahayaan munang magkaro’n ng “ikaw at s’ya”

Pero balang araw hahanapin kita
Hahanapin kita sa susunod na kabanata
Sa susunod na buhay hahanapin kita
Sa susunod na buhay kung kelan p’wede na
P’wede ng sabihin sayo ang nadarama
Na ikaw ang dahilan kung bakit nagtutugma ang mga sinusulat kong tula
Na ikaw ang bahaghari sa madilim kong planeta

Dahil sa susunod na buhay p’wede na
P’wede ng sabihin na mula sa pagmulat ng mga mata
Hanggang sa katawa’y magpahinga na,
Iniisip kita at hinihintay ka
Hinihintay ang balang araw
Hinihintay ang susunod na buhay
Para mahanap ka na
Para masabi sayong mahal kita at p’wede na

Sa ngayon, wala mang tayo, ‘wag kang mangamba
Dahil sa susunod na buhay hahanapin kita
Dahil sa susunod na buhay, p’wede na
P’wede na ang ikaw at ako
P’wede na ang “tayo.”


Feel free to send in your poems (English or Tagalog) via message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments

SHARE
Previous articleU
Next articlePaalam na