Rehas ng Kalungkutan

Rehas ng Kalungkutan
pexels-photo-3808803

HeSaidSheSaidPH.com | ni Butterfly_bb

Tagu-taguan maliwanag ang buwan, pag kabilang kong sampu nakatali na ako.

ISA, isang hakbang ang hahakbangin palayo sa aking sarili.

DALAWA, dalawang direksyong tatahakin, saan ako tutungo. Takbo ng takbo, linga ng linga, nasaan ako?

TATLO, tatlong beses kong pag iisipan ay parang hindi pa rin sapat, tama ba ito? Sino bang dapat magdesisyon? Ako? Ikaw?

APAT, apat na taon nang nakakulong sa rehas na ito. Sinubukang humakbang pabalik ngunit di ko magawa, nasaan kayo.

LIMA, limang saklolo pa hanggang sa inyong marinig aking munting tinig. Nanghihina, hindi na makagalaw tila maraming nakadagan hindi na makahingi ng saklolo.

ANIM, anim na hakbang na lamang matutunton na ang napiling daan.

Pagsapit ng ika-PITO, pitong pintuan, anoang bubuksan? Naguguluhan, natataranta, saan ako patungo?

WALO, sa ika walong paghingi ng tulong, narinig niyo ang aking munting tinig. Ngunit bago ko pa maramdaman, naglaho kayo. Nasaan kayo? Bakit wala akong makita, wala akong maramdaman, saan ako nagtungo? Natutuliro, hindi na mabilang ang pintig ng aking puso.

SIYAM, siyam na rehas na siyang magkukulong saakin. Hindi ako handa, hindi kailanman magiging handa. “Tulungan mo ako” pag ito umabot ng sampu, paalam mahal kong kaibigan. Ngunit bago sumapit ang ika sampu, isang lingon pabalik ang aking ginawa, isang lingon ay parang nadurog ang aking puso, mga kaibigan kong nagdiriwang, masayang naglalaro ng tagu taguan nang wala ako.

SAMPU, sampung patak galing sa aking mata kasabay ng pagsibol ng bagong umaga. Magpapatuloy nanaman ang buhay.

(Visited 3,355 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments