Salamat at Pasensya

by JMT | shared on He Said, She Said |

May dalawang salita akong gustong isiwalat. Una ay ang salitang, salamat.

Salamat dahil pinasaya mo ako. Pinaramdam mo sakin kung paano mahalin at alagaan ng totoo. Salamat dahil nung kailangan kita, alam kong nandiyan ka. Laging handa kang makinig kahit yung mga problema ko, paulit ulit na.
Salamat dahil pinaniwala mo akong wala tayong dulo. Na kahit anong mangyari, haharapin natin ng dalawa tayo. Pinaniwala mo akong sigurado ka sa ‘kin, at ako ang gusto mong maangkin. Nung mga panahon na yun alam kong totoo, ramdam ko sa bawat sandaling magkasama tayo.

Pero ngayon nalaman ko, na wala pala talagang permanente sa mundo. Ang mga matatamis mong sinabi, lahat ngayon nasa ere.

Gayunpaman, salamat parin, dahil hinayaan mo kong ikaw ay mahalin. Wala iyong katulad, sobrang sarap sa pakiramdam. Kahit na ngayon, labis ang aking pagdaramdam.

At eto na nga ang pangalawa, pasensya.

Pasensya na kung minahal kita, akala ko kasi pangmatagalan yung salitang “mahal din kita.”

Pasensya kung pumayag akong maging tayo, sabi mo kasi handa ka na at kahit anong mangyari magkasama tayo.
Pasensya na kung nasaktan ako, sobra sobra kasi yung paniniwala ko na tayo hanggang dulo, pero ngayon nag-iisa ako.

Hindi ko maamin, pero gusto kitang sisisihin. Dahil umasa akong totoong ako’y mahal mo rin. Yung hindi lang mahal sa salita, pero yung klase ng pagmamahal na pinapanindigan at isinasagawa.

Muli, salamat. Salamat sa mga pangako. Sa mga salitang pinaniwalaan ko. Salamat sa sakit na nararamdaman ko, dahil alam kong balang araw may matututunan ako. Salamat dahil dumating ka at mang-iiwan, dahil may bagong darating na hindi na kailanman lilisan. Pasensya kung makakabangon ako at magiging masaya na nawala ka.

Pero higit sa lahat, pasensya kung balang araw, makakalimutan din kita.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments