ni Jay Sortejas Dela Peña
Madami nang pagkakataon binigyan ako ng tadhanang pumili ng tama.
Madalas patikim lang ng saya
Pahapyaw na lunas sa lungkot na nadarama.
Hanggang sa tamaan ulit ng sumpa ng tadhana
Sa madaling salita sablay nanaman
Balik sa nakabibinging mundo ng pag-iisa
Hanggang sa matagpuan ka
Tumitimbang sa pagitan ng kaibigan at syota
Hindi ako nagrereklamo sa kung anong meron tayo
Masaya akong nandiyan ka at ganon din naman ako sayo
Meron ngang tinatawag na MU
Dapat sana’y “malalim na ugnayan”
Pero yung satin tila “malabong usapan”
Alanganing kaibigan
Alanganing kasintahan
Patuloy na pinupunuan kung ano man ang hinahanap na kulang
Sa larong binuo natin at tayo lang ang dapat makaalam.
Pinagtyatyagaan nalang kung anong maibibigay mo
Pinanghahawakan ang “nandito lang ako pag kailangan mo”
May ikaw at ako pero walang tayo
Kung hanggang kelan ganito?
Bahala na irog ko.
Kung masaktan man
Walang ibang sisisihin kundi ang sarili
Dahil una pa lamang akin nang inintindi
Na ika’y hindi akin
At kailanman hindi magiging akin sa huli.