Balikan

Balikan

ni Risando Perez

Nais ko lang bahagyang sariwain
Balikan kung pano tayo nag-umpisa
Hindi man maganda ang wakas
Sapat na ang mga natutunan.
Hayaan mo ang mga kaganapan aking ilarawan
Sa pamamagitan ng mga ilang nausong kanta.
Tanda ko pa habang binabaybay natin ang mga makipot na daan
Hatid ka’t pauwi sa inyong tahanan.
Sa ilalim ng puting ilaw
Ngunit ang buwan di pa bahagyang kulay dilaw
Kinwento ko ng paulit-ulit
Kung papaano kita nagustuhan
Sa mga simpleng bagay man o katangian.
Kung papaano nahulog ako ng buo sa’yo
Di mabilang ang mga ngiting hinalo mo.
Sa aking mga labi
Noong halos lamunan na ako ng kalungkutan.
Hindi ko na kinailangan pa ng tagu-taguan
Magbilang ng isa hanggang sampu.
Para lamang hanapin ka.
Hindi ko na kinailangan pa ng tagpuan
Para bigyan pa ng eksaktong lugar kung saan ay naroon ka.
Bagkus, sinabi sa sarili na ikaw na nga.
Napakadaming sagabal o hadlang
Minsang naisip kung di rin lang ikaw.
Ngunit sadyang buo ang loob.
At puso’y matapang kang ipinaglaban.
Basta sa ngalan ng pag-ibig.
Humantong man sa dulo ng walang hanggan.
Ay hinding-hindi kita susukuan.
Ngunit dumating na ang araw.
Araw na akala ko ay init, ngunit panlalamig na pala.
Araw na bigla ka na lang nag-iba.
Itong tinuring kong tahanan at mundo
Akala ko’y panghabang-buhay na
Kahit na ayaw mo na.
Gustong tanunging kung ang pasya’y pinag-isipan mo ba.
Ngunit hindi ako sumuko.
Buong puso akong lumaban mag-isa
Ngunit pano ako lalaban
Kung umpisa pa lang ay panig ka na agad sa kalaban.
Inakalang kathang isip lang ang mga ito
Ngunit nagising ako sa lamig na pinadama mo.
Nagtapos ang mga ito sa sugat.
Bubog ng durog na puso ang nagkalat
Kahit na umalis ang isa.
Umaasa pa rin ako na mas may hihigit pa.
Iniisip ko kung saan ba ko nagkulang
Sa presensya, regalo o oras na di mabilang.
Nandito naman ako lagi sayo at nakikinig
Ngunit ika’y nabingi sa bulong ng iba.
Kaya nung sumigaw ako ng mahal kita
Hindi mo na ako nadinig pa.

(Visited 3,477 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments