Bawal na Pagmamahal

Bawal na Pagmamahal
ni Nika Rose Avecilla
 
Oo masayang masakit
kase sa likod ng bawat ligaya may pait
dahil sa bawat pagngiti ko’y may sakit
sakit na hindi ko malaman kung bakit
kung bakit mas pinili kong magmahal ng taong alam kong ang maidudulot lamang sa ‘kin ay sakit
sakit na nung una ay di ko sukat akalain
nung mga panahong ang lahat ay nananatili pang lihim
na ang akala ko… akala ko talaga…
kaya naming itago…
oo itago mula sa mata ng mga mapanghusgang tao
oo nung una yun ang akala ko
na pinaniwala ko ang sarili kong nagmahal
lang naman ako at ano’ng pakialam niyo
 
Hanggang sa ang bawat oras ay lumipas
na pakiramdam kong ang pagtitinginan namin
ay di na kukupas
na sa mga sandaling iyon
inakala kong iyon na ang tinatawag nilang wagas
na nilunod ko ang sarili ko
oo inaamin ko nalunod ako
sa mga bagay na di ko napunang pansamantala lang
na nawala sa isip kong ang lahat pala
ng bagay ay may katapusan
dahil naging abala ako sa bawal na pagmamahal
 
Oo minahal ko siya…
minahal ko siya kahit alam kong ako yung pangalawa
minahal ko siya kahit alam kong ayaw sa ‘kin ng pamilya niya
minahal ko siya kahit hindi ko na kaya
minahal ko siya kahit alam kong sobrang mali na
mali nang ipagpatuloy pa
ang martir ko di ba?
pero kahit nakakasakal na
pinili ko paring ipikit ang aking mga mata
upang di ko makita
ang mga bagay na alam kong sa akin ay maaring maipuna
pinili kong isara ang aking mga tenga
upang di ko marinig ang nakakabinging hiyaw ng katotohanan na hindi ko kayang tanggapin
na hindi ko kayang buksan ang isip ko
para sa mga bagay na totoo
para sa mga bagay na ako mismo alam kong magpaparaya sa ‘kin sa sitwasyon na ‘to
para sa mga bagay na tama
para sa mga bagay na di ko kayang tanggapin
kasi mas pinili ko parin siang mahalin
 
Pero dumating yung araw na napaisip ako
tama pa ba ‘tong ginagawa ko
tama pa ba na ipagpatuloy ko pa ‘to
tama pa ba na ipaglaban ko pa ‘to
tama pa ba na ipikit ko ang mga mata ko
tama pa ba na isara ko ang tenga’t isip ko
para sa mga bagay na alam ko namang dapat at totoo
at isa lang ang naging sagot sa mga tanong na ‘to
HINDI NA. TAMA NA.
kailangan ko nang iwan ang lumang ako
kailangan ko nang magbago
 
Hindi dahil sa naduwag ako
hindi dahil pagod na ako
hindi dahil sa di na siya mahalaga
kundi dahil nagising na ako
dahil nalaman ko na mismo sa sarili kong
mali na ang lahat ng ‘to
maling magmahal ng patago
maling magmahal ng tatlo kayo
dahil hindi pagmamahal ang tawag dun
kundi pananakit
pananakit sa kapwa mo at pati na rin sa sarili mo
kasi hindi mo naman kailangan makihati
kung totoong nagmamahal ka
dahil ang tunay na pagmamahal
kelan may mamamagitan lamang lagi sa dalawa
dalawang puso na tapat sa isa’t isa
dalawang puso na hindi kailan man titingin sa iba
 
Siguro nga inakala kong ikaw at ako na
kahit alam kong meron pang sia
pero nagkamali ako
palalayain na kita
papatayin ko na ang nag-aalab na damdaming ‘to
kasi nakita ko na
hindi ito ang gusto ng tadhana
hindi ikaw at hindi ako
kundi ikaw at siya
at ako ay sadyang nakalaan para sa iba
at ang nangyaring ito sa’ting dalawa
ay sadyang itinakda ni tadhana
para may matutuhan tayong dalawa
mga aral na magsisilbing sa atin ay gabay
para sa pagtahak na natin sa totoong buhay.
(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments