Pagsuko

Pagsuko

Tayo’y unang nagkatagpo sa isang mapanganib na laro
Laro kung saan ni minsa’y hindi ka nanalo
Akala ko noo’y sumuko ka na, na hindi mo na kaya
Subalit doon lamang pala magsisimula ang ating unang kabanata.

Bigla kang nagparamdan, bumulong, at sumigaw
Maya’t maya mong ipinapahiwatig ang nilalaman ng iyong bawat pahinang labis na natatanglaw
Ngunit dahil sa aking damdaming hilaw, binigo kita, sapagkat nabatid ko mula sa aking puso’t isipan na hindi pa ako handa
Ngunit saka ko lang nabatid ang labis na pagluluksa, nang pagsusumamo mo’y unti-unti na lamang nag-iwan ng bakas na parang isang sumpa.

Tumalikod ka at hindi na muling sumilay pa
Siguro ngay napagod ka na at nakahanap na ng iba
Na siyang pupuno sa damdamin mong ni minsa’y hindi ko nagawang mapuna.
At akin ngang nakumpirma, na ika’y mayroon ng iba
Sapagkat presensiya ko’y nilimot na
At habang ako ay hindi mo na napansing naririto’t sumisilip na.

Gusto kitang bawiin
Gusto kong ako lamang ang maging mundo mo
Ngunit ano nga pa bang magagawa ko? kung ika’y napagod na at nakahanap na ng ibang planetang sasalba sa iyong nawasak na pag-asa.

Hindi ko na marurok ang aking mga emosyon
Basag ba basag na ‘ko sa mga anino mong pilit na kumukubli sa bawat pagkakataon
Ngunit hindi ko naman yata hahayaang ako’y lubos na durugin mo
Kaya’t susuko na lamang ako
Mula sa rehas na gawa ng paasang puso mo.

– Atalanta

(Visited 3,361 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments