SamBakit

SamBakit
Image: pexels.com | pexels-photo-568785

HeSaidSheSaidPH | ni Shey Gonzales

Ako’y isang makasalanan,
Nais magbago ng kalooban.
Mayron bang maaaring gumabay?
O sa akin kaya’y may nais umalalay?
Anong tuwa ko nang mayroong pumansin;
Ang sabi’y “Halika, Sumama ka sa amin!”
Kabigatang dinadala mo lubusang pagagaanin,
At iyang buhay mo ay tiyak na pagpapalain.

Sino’ng hindi mapapasunod,
Kung iaalok sayo’y landasing nakalulugod?
At sino’ng hindi mahihikayat,
Kung ang pangako’y lalaya ka sa dusa at hirap?
Pagdurusa mula sa’king mga kasalanan,
At paghihirap na dulot ng aking mga kalikuan.

Agad akong tumalima,
Ang sabi ko, “Panginoon, ikaw na ang bahala.”
Susunod ako sa kanila na mga lingkod mo raw na pinagpala,
Dahil anila sila’y iyong pinili na magpagaling, magpalaya.
Nais ko lang nama’y makilala ang Diyos na Dakila,
Kaya anumang sabihin nila’y lubos ang aking paniwala.

Sa bahay sambahan ako ay tumungo,
‘Di maiwasang humanga nang ito’y mamasdan ko.
Kaydaming palamuti, mga ilaw na nagliliwanag,
Ngunit bakit sa puso ko’y biglang may bumagabag?
Akala ko ako’y sasalubungin ng masasaya nilang ngiti,
Ngunit ang bumungad saki’y mga matang hindi mapakali.
Inaasahan kong madarama rito’y pagtanggap nila at pag-ibig,
Ngunit bakit sa kanilang mga tingin ay para akong inuusig?

Mula ulo hanggang paa ako’y kinikilatis nila,
Wari’ ko’y hindi makagalaw,
Pakiusap, maari ba ‘kong huminga?
Kung pwede sana’y bigla na lang akong matunaw,
Nang ako’y mawala na sa kalagitnaan ninyong mga nakapanungaw.

Sa dako banda roo’y mayron namang naghuhuntahan,
Habang may ibinubulong ang isa,
Ang iba’y nakatingin sa’king kinaroroonan.
Hinahampas pa ang katabi habang nagtatawanan,
Animo’y nagmistulang payaso ako sa kanilang harapan.

Umiwas na lamang ng tingin, pagsamba’y heto na;
Sabik ang aking kaluluwa paningin ko’y itinuon sa Kanya.
Pero hindi pa rin naiwasang matulala sa aking nakikita,
Hindi ko tuloy malaman kung hahanga ba ko o matatawa.

Sa lugar na ito kapag ang panambaha’y nagsimula na,
Ang mga nasa paligid mo’y nagbabalat-kayo pala.
Ang matatabil na dila’y biglang naging mapanalanginin,
Ang mapang-usig kung tumingin ay nagiging dakilang mahabagin.
Silang kanina’y magugulo at tila agaw-pansin,
‘Pag tugtog ng instrumento animo’y naging mababait na kerubin.
Mga kabataang maiingay at may sariling mundo,
‘Pag akyat sa entablado’y naging anghel na sagrado.

Nagkakamali lang ba ako sa aking napupuna?
Baka naman ako itong nagiging mapanghusga?
Ngunit nang ako’y pauwi na’t iaabot ang kamay sa kanila,
Sila’y biglang tumalikod na para bang walang nakita.

Ano ba itong aking napuntahan?
Tama ba ang landas na aking pinili at nilakaran?
Ang hanap ko’y isang lugar ng panambahan,
Mayron ba ritong aakay sa’kin tungo sa katotohanan?
Dahil hindi ganito ang aking nasaksihan,
Ni hindi rin ito ang hinangad ko’t inaasahan.
Na sa aking paghahanap at pagsisiyasat sa tamang daan,
Ay mapapadpad ako sa kuta ng mga tampalasan.

Mga naglalakihang gusali na ang ganda’y natatangi,
Ngunit ang puso nilang naroo’y punung-puno ng pagkukunwari.
Matitibay na bato at pader na ginintuan,
Ngunit nasa loob nama’y mga naglilingkod na bulaan.
Mainam pa nga iyang inyong mga kasuotan,
Kahit paano’y maari pang tanggalan ng dumi at linisan;
Hindi tulad ng kalooban ninyong pulos dungis ng kapaimbabawan,
Patuloy ang pagkabulok na tanging kayo lang ang may alam.

Huwag ninyong ipagyabang na kayo’y nasa matataas na kalagayan,
Na sinusunod at tinitingala niyong karamihan.
Ang sabi nyo pa, “Kaunti na lang at ang lugar na ito’y mapupuno na!”
Ngunit mayroon nga bang maliligtas d’yan na kahit isa?
Pinangangalandakan ninyo’y mga sinaulong bersikulo,
Pero ilang buhay na ba ang tumungo sa inyo at nabago?
Mayroon bang nagugutom na dumako riyan at nabusog?
O ang mahalaga lang sa inyo’y ikapu nila’t mga handog?

Ilang makasalanan na ba ang sa turo ninyo’y naliwanagan?
Silang mga tumalikod at nawala, hinanap nyo ba’t inabot man lamang?
Nasaan na silang mga lumapit sa inyo dahil nagdurusa at napapagal?
Kinaawaan nyo ba’t inilapit man lang sa Maykapal?
Sinasabi ninyong kayo’y may takot at pagmamahal sa Diyos,
Ngunit pinabubulaanan ito ng mga gawa ninyo at pagkilos.

Sambang lumikha sa akin ng maraming tanong kung bakit.
Sambang nagdagdag lamang ng pasanin ko’t hinanakit.
Sambang ang dulot sa aki’y luha at pasakit.
Gayong ang hangad ko lang nama’y
Kaligtasan. kapayapaan at kapahingahan,
Mula sa inaalok ninyong langit.

(Visited 2,293 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments