Tapos na ang ikaw at ako

by Angelica Llaban Rayco | shared on He Said, She Said

May mga panahong nakadarama ako ng lungkot
Lungkot na pilit ikinukubli sa madilim na sulok
Mga luhang hindi mapigilan mula sa pag-agos
Kalungkutang hindi alam kung ito pa ba’y matatapos.

Nung isang gabi lang, sabi mo tayo pa
Na mamahalin mo ako hanggang sa iyong huling hininga
Ngunit isang araw, hindi mo na ako pinapansin
At kung ituring mo’y tila ba isa na lang akong hangin.

Lumapit ako sa ‘yo at niyakap kita
Katulad ng palagi kong ginagawa kapag nagtatampo ka
Pero tila ba nakaramdam ako ng takot
Sapagkat tila mayroon nang mali sa relasyon nating dalawa
Ngunit di ko ipinakita mahal, ‘pagkat akala ko maaari pa itong masalba.

Pinilit kong ibalik ang ngiti sa iyong mga labi
Lungkot na nararamdama’y pinilit kong ikubli
Patuloy na ibinabalik ang init sa puso mong nanlamig na
At patuloy na umaasang maisasalba pa ang relasyon nating dalawa.

Ngunit mahal, wala na nga talaga itong pag-asa
‘Pagkat ‘ramdam kong sa relasyon nati’y ikaw nga’y bumitaw na
Na ang dating pagsambit mo ng salitang “Mahal kita”
Ay ngayo’y napalitan na ng “Paalam, mahal. Tapos na tayong dalawa”.

Ngunit di ko pa rin lubos maisip na tapos na ang lahat
Lahat ng mga alalaalang puno ng saya’t galak
Tapos na nga ba mahal ang pagpapasaya?
Tapos na ba ang pagpaparamdam na ako’y mahalaga?

Tapos na nga ba ang mga araw ng pag-aalaga mo?
Tapos na nga ba ang mga araw na ikaw ang hari ko at ako ang reyna mo?
At ang sabi mong bubuo tayo ng sarili nating palasyo?
Tapos ka na nga ba talagang mahalin ang isang tulad ko?
Tapos na nga ba ang mga araw na may ikaw at ako?

Ganun ba kadali sa ‘yo mahal ang kalimutan ako?
Ganito mo nalang ba wawakasan ang lahat ng pangarap
na magkasama nating binuo?
Ito ba ang sinasabi mong hanggang sa huli’y ako ang mamahalin mo?
Tapos na nga ba talaga ang ikaw at ako?

Gusto ko pa sanang paniwalaan ang lahat ng pangako mo
Gusto ko pa sanang panghawakan ang salitang “tayo”
Ngunit kailangan ko na nga talagang tanggapin
na kailanma’y wala nang “ikaw” at “ako”
At kailangan ko na ring pagpahingahin ang sarili ko
kasi mahal, pagod na rin ako.

Ngayo’y batid ko nang lahat nga ay may katapusan
Katulad ng paglubog ng araw at pagpatak ng ulan
Katulad ng pagmamahal mo sa akin nung tayo’y bago pa lang
Na ngayo’y naglaho na’t nagtapos sa salitang “paalam.”

Ngunit darating ang araw na ang mga luha’y mapapalitan rin ng ngiti
At may isang taong darating sa buhay ko’t sa aki’y mananatili
Ang aking kalungkuta’y mapapalitan din ng kasiyahan
At di na muling luluha pa’t ika’y tuluyan nang makakalimutan.


Feel free to send in your love letters, poems, essays or messages (English or Tagalog) via private message on our Facebook Page. We’ll review them first before deciding to post. Postings are done as often as we can. If they’re not posted yet, either it took too long to post or it was rejected, please send in a new one.

Chosen contributions are posted on the site http://HeSaidSheSaidPH.com

He Said, She Said Philippines reserves the right to approve or reject submissions for posting.

(Visited 1 times, 1 visits today)

Comments Go Here ▼

Comments